Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Kalakasan ng Diyos”

 

 

Hunyo 27, 2020. Sabado sa Ika-12Linggo ng Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19
Pagbasa mula sa aklat ng mga Panaghoy

Walang awang winasak ng Panginoon ang lahat ng nayon ni Jacob;
sinira niya ang matitibay na kuta ng lupain;
ang kaharian at mga pinuno nito’y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.
Tahimik na nakalupasay sa lupa nang matatanda sa Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nagdamit ng sako.
Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod na ang mukha’y halos sayad sa lupa.

Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak.
Bagbag na bagbag ang aking kalooban,
Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapamahakang sinapit ng aking bayan,
nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.
Nag-iiyakan silat at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
Unti-unting nangangapos ang kanilang hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.
Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem,
Jerusalem, lungsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika’y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan;
sino ang maaaring magpanauli sa iyo?

Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.
Dumaing ka nang malakas sa Panginoon, Jerusalem.
Araw-gabi, bayaan mong umagos ang iyong luha, gaya ng ilog,
huwag kang titigil nang kaiiyak.

Bumangon ka’t humiyaw nang ulit-ulit sa magdamag,
sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
Kung baga sa tubig, ibuhos mo
sa harapan ng Panginoon ang laman ng iyong puso!
Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak,
nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21
Iyong laging gunitain mga lingkod mong butihin.

MABUTING BALITA
Mateo 8, 5-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, pagpasok ni Hesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Hesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bagay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako man ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit.

Ngunit marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman sa labas; doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang alipin ng kapitan.
Pumunta si Hesus sa bahay ni Pedro at doo’y nakita niya ang biyenan nito, nakahiga at inaapoy ng lagnat. Hinawakan ni Hesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Pagkatapos, bumangon ito at naglingkod sa kanya.

Nang gabing iyon, dinala kay Hesus ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu, at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Maligayang Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo! Natunghayan natin ngayon na si Jesus ay nagpagaling. Kahanga-hanga ang pananampalataya ng sundalong Romano na hindi naman karelihiyon ni Jesus. Subalit naniwala siya. Ibinaba niya ang kanyang sarili sa Panginoon at pinakita niya ang kanyang pananamapalataya. Kahit pa siya ay may posisyong tao ay hindi niya ito inalintana. Nagpakababa pa rin siya sa harapan ni Jesus. Hindi na kailangan ng kahit ano pang ebidensiya o palatandaan hindi gaya ng iba. Subalit buong puso niyang sinabi na mapapagaling ni Jesus ang kanyang alipin kahit sa salita lamang.

Ano ba ang mayroon sa salita ni Jesus? Kapag sinabi niyang gagaling, gumagaling. Kapag sinabi Niyang lumayas ang demonyo, aalis. Napakamakapangyarihan pala ng Salita ni Jesus. Naniniwala ba tayo dito?
Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa lahat. Subalit hinihintay lamang niya tayong ibaba ang ating sarili sa Kanya. Gaya ng kapitang Romano na bagamat mataas ang posisyon ay nagpakababa kay Jesus. Tayo rin dapat ay ibaba ang sarili sa Diyos.

Tanggalin natin anumang ating pagkukunwari o anumang mataas na pagtingin sa sarili. Aminin natin sa kanya ang ating kahinaan, ang ating kasalanan at kahilingan. Ideklara natin sa Kanya ang ating pananampalataya. Kilalanin natin Siya upang makilala natin anong klaseng Diyos nga ba Siya. Ito ang daan upang maantig ang puso ni Jesus. Ang ating ina ay palaging nakahandang ipagdasal tayo sa Kanya, ang ating Ina ng Laging Saklolo. Walang hindi ibinibigay ang Diyos sa pusong puno ng pananampalataya. Kahit pa gaano katagal ang ating hintayin para sa biyaya. Ikaw, kumusta ba ang pananampalataya mo kapag humihiling sa Diyos? May kababaang loob ba? Kaya mo bang aminin sa Diyos ang iyong kailangan at mga kahinaan nang may kababaang loob at pananampalataya? Maniwala tayong papalitan Niya ito ng Kanyang pagpapala at kalakasan.

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal na Diyos!

Reflections: Frances Mary Margaret DJ

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?