Agosto 1, 2019. Paggunita kay San Alfonso Maria ng Liguori, obispo at pantas ng simbahan. Huwebes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon.
Salmo 83, 3. 4. 5-6a at 8a. 11 Ang templo mo’y aking mahal, D’yos na Makapangyarihan.
UNANG PAGBASA Exodo 40, 16-21. 34-38 Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, ginawa ni Moises ang lahat ayon sa utos ng Panginoon. Kaya, ang tabernakulo’y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto. Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga bastidor, isinuot sa mga argolya ang mga trabisanyo at itinayo ang mga poste. Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng utos ng Panginoon. Isinilid niya sa Kaban ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos.
Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Araw. Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ng Panginoon. Nang mayari ang tabernakulo, nabalot ito ng ulap at napuspos ng kaningningan ng Panginoon. Hindi makapasok si Moises pagkat nanatili sa loob ang ulap at napuspos nga ito ng kaluwalhatian ng Panginoon.
Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ng Panginoon ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama’y ang haliging apoy. Ito’y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.
Ang Salita ng Diyos. Salamat sa Diyos.
MABUTING BALITA Mateo 13, 47-53 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo. Papuri sa iyo Panginoon.
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukud-bukirin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kuwenta. Gayun din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.
“Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Hesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan.”
Nang masabi na ni Hesus ang mga talinghagang ito, siya’y umalis doon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. Pinupuri ka namin Panginoong Jesu Cristo.
Pagninilay:
Ang lambat ay maihahalintulad sa ating Simbahan. Samu’t saring mga tao ang ating nakikita at nakakasalamuha. Ngunit hindi para sa atin ang paghuhusga kung sino ang mabuti at masama. At hindi para sa atin ang pagbubukod ng mabuti at masasama – ito ay para sa Diyos. Ang trabaho natin bilang mga Anak ng Simbahan ay magtawag kahit ang mga pinakamakasalanan sa ating paningin. Nang may pag-asang sila ay magbabago at babalik sa Diyos bago ang paghuhukom – sa pagkamatay man at sa susunod pa sa wakas ng mundo.
Ano ang ating dapat gawin? Ito ay tawag sa atin upang mas maging maunawain tayo sa kapwa. Aminin natin sa sarili natin na tayo rin ay may kahinaan, kapintasan at kasalanan. Kapag naging maawain tayo, tayo rin ay kakaawaan. Walang isa man sa atin ang tulad ni Maria na kagaya ni Jesus – mga walang sala. Kung si Jesus nga na walang sala ay maawain at lubos na inuuwa tayong lahat , paano pa kaya tayong may sala din at nagkakamali?
Magtiwala tayo sa Hustisya ng Panginoon. Hindi sa Karma o kung ano pa. Maniwala tayong may panahon at araw ang lahat ng bagay at tao anuman ang kanilang gawin ngayon. Ang mga naghihirap ay giginhawa at magkakaroon ng gantimpala. Ang mga nagpapakasaya habang gumagawa ng masama ay hindi makakatakas ng walang parusa. Ano ang ating pipiliin? Nawa ay piliin natin ang daan ng Krus na tinahak ni Jesus. Puno ng sakripisyo at pasensiya upang unawain tayong lahat na mga makasalanan subalit itong daan ang nagbigay ng buhay sa ating lahat. Amen. +
Pagnilayan natin ito.
Pagpalain tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +
? Admin. FMMargarita. ?