Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Buksan ang Puso sa Diyos”

Agosto 2, 2019. Biyernes ng Ika-17 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

Salmo 81, 3-4a. 5-6ab. 10-11ab
Masigla nating awitan ang D’yos nating kaligtasan.

UNANG PAGBASA
Levitico 23, 1. 4-11. 15-16. 27. 34b-37
Pagbasa mula sa aklat ng Levitico.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipagdiriwang nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong.”
“Ito ang mga pistang itinakda ko: ang Pista ng Paskuwa na gaganapin sa gabi ng ikalabing-apat na araw ng unang buwan. Kinabukasan ay Pista ng Tinapay na Walang Lebadura; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang lebadura. Sa unang araw, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong maghahain sa Panginoon ng handog na susunugin. Sa ikapitong araw, muli kayong magtitipon; huwag kayong magtatrabaho.”

Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “‘Sabihin mo rin sa mga Israelita na pag naroon na sila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, tuwing anihan ay magdadala sila sa saserdote ng isang bigkis ng una nilang ani. Ito’y ihahandog niya para sa inyo, kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga.

“Mula sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, araw ng pagdadala ninyo ng bikis na ani, magpaparaan kayo ng pitong linggo; ang ikalimampung araw ay tatama sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyon, magdadala kayo ng handog na pagkain.

“Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay araw ng pagbabayad-sala; magkaroon kayo ng banal na pagtitipon. Sa araw na iyon, mag-aayuno kayo at mag-aalay ng handog na pagkain.

“Mula sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng mga Tolda. Pitong araw ninyo itong ipagdiriwang. Sa unang araw, magkaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong maghahandog sa Panginoon ng handog na pagkain. Sa ikawalong araw, magtitipon kayo upang sumamba at mag-aalay kayo ng handog na pagkain. Araw iyon ng pagsamba, kaya huwag kayong magtatrabaho.

“Iyan ang mga pistang itinakda ng Panginoon, mga araw ng inyong banal na pagtitipon. Sa mga araw na iyon, magdadala kayo ng handog na susunugin, handog na pagkain at handog na inumin ayon sa takda ng bawat araw.”

Ang Salita ng Diyos.
Salamat sa Diyos.

MABUTING BALITA
Mateo 13, 54-58
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo.
Papuri sa iyo Panginoon.

Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya. Sabi nila, “Saan kumuha ng karunungan ang taong ito? Paano siya nakagagawa ng kababalaghan? Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina, at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? At dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba? Saan niya natutunan ang lahat ng ito?” At ayaw nilang kilanlin siya.

Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sa kanyang sariling sambahayan.” At dahil sa di nila pagsampalataya hindi siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pinupuri ka namin Panginoong Jesu Cristo.

Pagninilay:

Isang mapagpalang biyernes sa inyong lahat! Nagtaka ang mga taong taga-Nazaret kay Jesus. Ito ang mga taong nakasama niya at nakakita sa kanya sa kanyang paglaki. Kilala ang pamilya nila Jesus. Marahil ay mga kapitbahay at malimit na nakakasalamuha ang kanilang pamilya. Subalit sa tingin ninyo ba’y sapat ito? Malapit ngunit malayo rin. Parang ganoon ang nangyayari. Ganito rin kung hindi natin nakikita ang Diyos sa mga bagay, tao at pagkakataon na kanyang ginagamit. Kung tayo’y bulag at punong puno ng sariling iniisip.

Kapag sinabi nating alam natin ang mga bagay tungkol sa isang tao ay ibig sabihin ba nito ay kilala natin siya?

Marahil ay ganito tayo sa Diyos at sa ibang tao. Marahil alam natin na napako si Jesus sa Krus at naghirap. Nakikita natin ang Krus kahit saan. Subalit may nararamdaman ba tayo habang nakikita ang Krus o ang mga ibang tao na naghihirap? Nararamdaman ba natin sa ating puso ang hirap at pighati ni Jesus? Nadarama ba natin ito at napupuspos ba tayo ng awa kay Jesus na nagdurusa sa loob ng ating kapwa na naghihikahos sa buhay? Ito po ay magkaibang bagay. Hindi natin maaring isipin na alam na natin ang lahat ng bagay dahil laging may mas malawak na katotohanang hindi natin nakikita.

Kaya naman, mag-iingat tayo sa paghuhusga at paghahatol sa ating kapwa dahil baka hindi natin alam na si Jesus din mismo ang ating hinuhusgahan. Para naman sa mga nanghusga sa atin, patawarin natin sila gaya ni Jesus at saka lalong mahalin. Sapagkat kung ang ibang bayan nga ay nakakatanggap ng himala, ang Nazaret kung saan pa nagmula si Jesus ang pinakakaunting naggawaan ng milagro dahil sila’y sarado. Sa gayong paraan, mahirap din dumaloy ang grasya ng Diyos sa mga taong mapaghusga at sarado ang isip at puso. Mas mapapalad pa ang mga naaapi at nahuhusgahan kahit ito’y masakit. Ipanalangin natin sila ang at ang ating mga sarili upang magkaroon laging mahabagin at maunawaing puso. Amen. +

Pagnilayan natin ito.

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

? Admin. FMMargarita. ?

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?