Marso 6, 2019. Miyerkules ng Abo. Araw ng pag-aayuno (edad 18-59) at abstinensya sa pagkain ng karne (edad 14 pataas).
Salmo 51: Poon, iyong kaawaan kaming sa iyo’y nagsisuway.
Unang Pagbasa: Joel 2:12-18
“Gayunman,” sabi ni Yahweh, “mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin;
mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, at hindi pakitang-tao lamang.” Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos!
Siya’y mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig; laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.
Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos at bigyan kayo ng masaganang ani. Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.
Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion! Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat!
Tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga pari, tumayo kayo sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo, manangis kayo’t manalangin nang ganito: “Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh! Huwag mong hayaang kami’y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain, at naawa siya sa kanyang bayan.
Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:20-6:2
Kaya nga, kami’y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami’y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos.
Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya’y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.
Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang kagandahang-loob na ibinibigay sa inyo ng Diyos.
Sapagkat sinasabi niya,
“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”
Ngayon na ang panahong nararapat! Ito na ang araw ng pagliligtas!
Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
“Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.
“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila’y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
Sa halip, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito sa pinakamatalik mong kaibigan. Gawin mong lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
“Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto.
Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
“Kapag kayo’y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno.
Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
Pagninilay:
Ngayon nga ay ang unang araw ng kuwaresma o tinatawag natin sa wikang Ingles na “Lenten Season”. Inaanyayahan po ang lahat na dumalo sa Banal na Misa ngayong araw na ito. Obligasyon naman natin bilang mga Katoliko na mag-ayuno ngayong araw na ito edad 18 hanggang 59 ay kakain lamang ng isang buong pinggan ng karaniwang kinakain mamili lamang kung sa almusal, tanghalian, gabi o anumang oras sa buong araw. Kaakibat nito’y dalawang maliliit na pagkain lamang na hindi pantay sa isang buong pinggan (o one (1) full meal sa Ingles).
Kung ang mga Senior Citizens ay liban sa pag-aayuno. Ang lahat naman mula edad 14 pataas ay kinakailangang magliban sa pagkain ng karne. Sa buong taon ay dalawang araw lamang tayo inoobliga bilang mga Katoliko para mag-ayuno. Ito nga ay ang Miyerkules ng Abo at ang isa naman ay ang Biyernes Santo. Sa lahat ng biyernes ngayong panahon ng kuwaresma ay talikdan din natin ang pagkain ng karne at ang mga ito’y gawin nating alay sa Diyos para sa ating mga kasalanan pati na rin ang buong sanlibutan lalung lalo na ang mga kapatid nating nawalay na sa Panginoon.
Nawa sa pagkakataong ito, gaya ng sabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayon ay malugod nating ginagawa ang mga sakripisyo natin para sa Panginoon. Ginagawa natin ang mga bagay nito tanda ng ating pagmamahal sa ating Panginoon. Dahil Siya ay nagdusa, nagpasakit at namatay para sa atin.
Ngayon naman ay marapat lamang din na samahan natin ang Panginoon at ang buong Santa Iglesya para sa pagpipigil sa ating mga sarili sa mga bagay na dati ay ikinasisiya natin ngunit hindi naman talaga kailangan. Nang sa gayon ay mas maging sensitibo tayo sa pangangailangan ng iba at makahingi ng tawad sa ating mga kasalanan. Ngayon ay panahon ng pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ano ang isa o dalawang bagay na gusto mo talagang talikuran sa Panginoon? Ito ay ang tamang panahon para hingin ang tulong ng Diyos at tuluyang iwan ang mga kasalanan na matagal nang umaalipin sa iyo.
Panalangin + Pag-aayuno + Pagbibigay Limos o Prayer + Fasting + Almsgiving.
Ito ang tatlong pinakamahalagang haligi ng panahon ng kuwaresma. Kailangang ituon natin ang ating puso at diwa sa pananalangin sa Panginoon. Laging iniaalay natin sa Kanya ang lahat ng sakripisyong ating ginagawa. Maliit man o Malaki. Mismong pagpupulo ng kalat o isang pirasong balat ng kendi, kung ito’y ginagawa ng buong puso ay maaring maging sakripisyong kaaya-aya sa Panginoon. Marapat lamang na Siya’y kupkupin natin sa ating puso sa buong panahon na ito at ipalinis ang ating mga puso sa Kanya.
Ang pag-aayuno ay mahalaga rin sapagkat, nakikibahagi tayo sa pamamagitan ng ating sariling katawan sa mga paghihirap na dinaranas ni Cristo at ng ating mga kapatid na naghihirap ngayon. Kung dati’y palagi tayong lumalabas para manood ng sine or kumain sa masasarap. Maari natin itong bawasan upang maialay sa Diyos at maipon ang perang sobra para sa mga ibang mahihirap at nagugutom na kapatid natin sa Diyos. Tandaan nating sila ang mukha ni Cristo sa ating panahon ngayon. Nanahan ang Diyos maging sa kanila at kung ano ang ating ginagawa para sa kanila ay ginagawa rin natin sa Panginoon.
Marami tayong maaring gawin basta mula sa ating puso. At tandaan natin na wala tayong kayang gawin nang tayo lang. Kailangan nating hinging ang tulong at grasya ng Panginoon. Dahil laging mayroong mga tukso at pagsubok na darating lalo na kapag gusto nating magpakabanal. Ngunit kung tayo ay magpapakababa sa Panginoon, siya mismo ang bahala sa atin at magliligtas sa atin. Kailangan lamang natin maniwala.
Ang lahat ng ating mga sakripisyo ngayon panahon ng Kuwaresma ay hindi isang panahon na puno lamang ng paghihirap kung hindi pag-asa rin. Sapagkat alam natin na ang lahat ng ito ay ginagawa natin nang may pag-asang hahantong ang ating paghihirap sa buhay na walang hanggan. Katulad ni Cristo, kasama Niya at sa Kanya. Amen. +
Isang mapagpalang miyerkules ng abo po sa lahat!
Pagnilayan natin ito.
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By: FMM. FrancesMaryMargaret.